Paborito kong upuan sa bus ang sa parteng may bintana. Maarte ako at may gusto akong posisyon, yung side na nasa bangketa. Maraming advantages ang pwesto na yun in fairness, at sa tingin ko yun ang side na unang napupuno ng pasahero. Box office ang pwesto na yun.
Dahil nasa bangketa sya, sya yung side na may mga tao, at dahil isa akong discreet usisera eh advantage ang pwesto na yun. Mahilig akong sumakay ng non-aircon na bus, at sa upuang yun eh maririnig mo ang aksyon sa bangketa. Mga nag-aaway, mga nanakawan, mga chikahan at kung anu-ano pa. Ewan ko pero gustong-gusto ko yung feel ng sidestreets ng manila. Unique at classic.
Syempre dahil may mga bangketa eh anjan din ang mga street foods, sa kabilang side ksi puro usok lang ang maamoy mo (Remember na non-aircon ang paborito kong sakyan) . Nakakatakam yung amoy ng mami, kwek kwek, bbque at kung anu ano pang mga lutong kalye. Naalala ko napabili ako ng mami dahil sa amoy lang. Heheh.. Kaya di ako napayat ano? Ang ganda din tignan nung mga bangketa sa gabi, may ilaw sila tapos makikita mo yung mga usok usok and yung mga tao na kumakain at isa ka sa kanila.
Sa may pwesto din iyon ko nakikita ang mga billboards. Ewan ko ba? Pero since mahilig ako sa pictures sa pwestong un ko naappreciate sila. Kapag nasa ibang side kasi lalo sa EDSA nakaharang ang MRT. Panget. Ang masayang parte lang ata sa pwesto na yun eh pwedeng pwede mong pagtawanan yung mga nasa MRT na parang sardinas sa loob. Hehehehe.. Classic yung hitsura nila sa loob eh, lalo yung malapit sa pinto. Sarap kuhanan.
Karaniwang gabi na kasi ako nauwi. Sa pwesto ko na yun ko naappreciate yung Manila lights, makikita mo sya pag umaakyat na ng flyover ang sasakyan o nasa isang lugar na kayo na kita na yung mga bundok (Likod ng St. Peters sa commonwealth, HS pa lang favorite view ko na yun kaso hinarangan na ng CVG at kung anu ano pang bldgs, malaking sayang). Ang ganda. Kaso masyado nang maliwanag, dun ko lang napapansin na masyado na palang urbanized ang Maynila.
Sa tinagal tagal ko na ring bumabyahe eh di ako nagsasawa sa pwesto na yun. Ewan ko, di pa rin nawawala yung pagkamangha ko sa Maynila. Aminado ako minsan natutulog ako, pero kapag nag-iisip ako at may problema, nakakawalang stress yung feel ng Maynila sa mga mata ko kapag dun ako nakaupo. I guess, isa sa mga bagay na hinding hindi ko maiwanan dito ay yung pribilehiyo na makita at maramdaman ang mga bagay na yun. Kaya kapag sumasakay ako ng bus, talagang tatakbo ako papunta ng bus, maupuan lang yung pwesto na yun.
Feb 20, 2009
Like!
ReplyDelete